Tatlong taon.
Tatlong taon akong hindi nakapagsulat para sa blog entry na ito. Makakagawa ba ako uli ng tula? Hindi ko alam. Junior High School pa ako noon. 2nd year college na ako ngayon. Matagal-tagal na rin nang huli akong makagawa ng tula. Yung tipo ng tula na sinulat alinsunod sa nararamdaman. Madalas kasi ay nagsusulat bilang takdang aralin.
Kung tutuusin, nakakalungkot man pero, ang totoo'y halos inabando ko na ang lahat ng mga bagay na naglalarawan sa akin noon. Kung ako ang tatanungin, kapag sinabing Jana noon, dalawang salita lang iyan. Nagsusulat at nagpipinta. Malayong-malayo kung sino si Jana ngayon: Isang mag-aaral ng siyensiya na nagnanais maging doktor, isang anak na nais makatulong sa pamilya at isang taong marami at malalim ang iniisip dahil kasalukuyang nasa proseso ng paggaling. Ngayong araw ay sinusubukan ko na gawin uli ang mga bagay na ginagawa ko noon, magsulat at magpinta.
Ilang tulog nalang ay bente na ako. Hindi na ako teenager. Ganito ba talaga ang adulting? Siguro, ito na talaga yung reyalidad ng buhay. Ako yung tipo ng tao noon na halos manghang-mangha sa hiwaga ng salitang pag-ibig, sa mga linyahan ng artista sa pelikula at kanta, sa mga linya ng mga tauhan sa nobela; halos mabaliw sa paghabi ng magagandang mga salita. Ngayon ay ibang-iba na. Namamangha pa rin sa mga hinabing salita pero kaunting oras nalang ang nabibigay para dito.
Maraming taon na rin ang lumipas. Nasubukan ko na ring umibig at ibigin pabalik. Yung totoong nakarelasyon. Kung sa salitang kanto pa ay 'jumowa'. Kagaya ba siya ng mga nakikita ko sa pelikula? Siguro. Masaya sa umpisa pero gaya ng kahit ano pa mang uri ng relasyon, susubukin at susubukin kayo. Anim na buwan lang ang itinagal ng una kong relasyon. Malayong-malayo sa imahinasyon o sa hiraya na nais ko. Pinangako ko iyon sa sarili ko na kung sino man ang unang lalaking mamahalin ko ay siya na sa huli sapagkat ayaw kong pagurin ang sarili kong magpatalon-talon sa relasyon. Kikilala, papakisamahan at kapag naghiwalay ay kikilala nanaman at susubukang muli. Iniisip ko palang ay nakakapagod na. Ang pangit mang pakinggan pero parang masayang humarot-harot lang ika nga kaysa pumasok sa isang relasyon.
Simple lang naman ang dahilan kung bakit mahirap pumasok ang kagaya ko sa relasyon at ito ay ang estado ng utak ko - may depresyon. Yung depresyon na hindi nararamdaman mo lang pero depresyon na kinakailangan ng gamutan. Mahirap pero kinakaya. Mahirap pero magpapatuloy. Sabi nila, mahirap kapag hindi ka naiintindihan ng mundo pero parang mas mahirap pala yung hindi ka na naiintindihan ng mundo, hindi mo pa naiintindihan ang sarili mo sa sariling mundong ginawa mo at kailangan mong manatili sa katinuan. Hindi ko rin alam kung paano ko gagawin yung mapanatili yung sarili ko sa katinuan. Mahirap pigilan ang utak.
Kahit papaano pala ay nakatutulong ang pagsulat ng entry na to'. Nakakapag-isip ako. Naiisip ko kung kumusta ba talaga ako? Ano ba ang lagay ko? Napapanatili ko yung katinuan ko sa pamamagitan ng pagsulat dito at tulad ng sabi ni dok, ang pinakamahalaga sa lahat ay mapanatili ang katinuan ko sa kabila ng estado ng utak ko. Kailangan kong labanan to'. Sa totoo lang, naisipan kong magsulat dito hindi para kumustahin ang sarili ko. Magsusulat sana ako para sa taong hindi ko naman kilala nang lubos pero hinahangaan ko. Gusto ko rin sana alayan siya ng awitin bagamat sabi ng mga kaibigan ko, huwag daw ako mag-alay ng awitin para sa tao dahil masasaktan lang ako. Hindi nila alam, ilang ulit ko ng ginawa iyon. Palagi ko kasing pinapahalagahan ang mga taong nakikilala ko lalo na kung nagbigay sila sa akin ng mga aral na habangbuhay kong babaunin.
Gusto ko sana siyang alayan ng isang entry sa blog na ito dahil ngayon nalang ako uli ako nakaramdam nang ganoong pakiramdam - iyon bang sa hindi mo malamang dahilan, noong makausap mo siya, may kung anong pwersa na hinihikayat kang magsulat ng tula at makinig ng isang awitin at sa kaso niya, ang awit ng Munimuni na Bawat Piyesa ang kumakausap sa akin.
Ang bawat piyesa na bumubuo sa'yo
Bawat piyesang nawa'y mapasaakin
Habang-buhay
Dito ka na lang habambuhay
Dito ka na lang habambuhay
Dito ka na lang habambuhay
Habang-buhay
- Bawat Piyesa, Munimuni
Noong nakarang taon pa ako huling nakaramdam ng ganoon sa tao. Nakatutuwa dahil magkapangalan pa sila ang pinagkaiba lang, noong nakaraang taon, ang pinaramdam lang sa akin ay sumulat ng tula. Hindi tulad ngayon na pinaramdam sa akin ay hindi lang pagsulat ng tula pero pati na rin ang pakiramdam na para bang kinakausap ako ng isang awitin. Sa totoo lang, hindi ko alam kung ano mararamdaman niya kung mababasa niya ito. Masasabi niya ba na weirdo ako? Creepy? Hindi ko alam at hindi rin ako sigurado kung dapat ko bang ipabasa sa kanya to' pero sa pagkakakilala ko sa sarili ko ay ipapabasa ko ito sa kanya, hindi man ngayon pero panigurado ay ipapabasa ko ito sa kanya. Sabi ko sa sarili ko, kapag tumungtong na ako ng bente, hindi na ako gagawa ng nakakahiyang aksyon pagdating sa mga taong hinahangaan ko pero malay mo, may isang buwan pa bago ako magbente. Baka may pahabol pa ang labing-siyam na taong gulang si Jana.
Hindi ko alam kung bakit ko ito sinusulat pero isa lang ang sigurado ako. Ito yung nararamdaman ko. Walang halong filter. Raw and honest.
No comments:
Post a Comment