Pages

Monday, October 30, 2017

Monday, October 16, 2017

Random Thought Entry 008

Paglayo

Heto nanaman ako
Natagpuan ang sarili kong bumabalik dito
Sa paghabi ng mga piling salita para sa iyo
Mga salitang hindi ko alam
Kung dapat o hindi dapat iparating sa iyo

Mahal, sa pagkakataong ito
Hindi ako magsisimula sa umpisa
Sa kung paano tayo pinag-isa ng mapaglarong tadhana
O sa kung paano nagtagpo ang pagal nating mga puso

Mahal, mag-uumpisa ako
Sa kung paano ka unti-unting lumayo
Habang nag-uumpisang isinisigaw ng puso ko ang pangalan mo
Ang pangalan mo na marahil ang  tanging alam ko lang sa iyo

"Naliligaw ako at sinusubukang hanapin ang sarili ko
Pero tinatangay lang ako pabalik sa kawalan"
Iyan ang mga salitang namutawi sa bibig mo
Kaya abot langit ang pag-aalo ko sa iyo

Nag-unahang tumulo ang mga luha ko
Hindi ko alam kung nahahabag lamang ako
Kung dahil ba minsan na rin akong napadpad sa sitwasyon mo
O kung nais ko bang sabihing, "Mahal, nandito lang ako"

Kung gaano kabilis tayong pinagtagpo
Ganoon kabilis ka lang ding lumayo
Nakakatawa na kung gaano kabilis kitang nakilala
Ganoon kabilis akong sa iyo ay nag-aalala

Mahal, hindi ako natatakot bumalik sa dilim
Kung ang pakay ko naman ay ikaw ay sagipin
Kahit ilang beses mo man akong palayuin
Ilang beses mo man akong hindi pansinin
Susubukan at susubukan kong agawin ka sa dilim
Mahal, hahanapin at hahanapin pa rin kita

Putulin mo man ang koneksiyon sa mga salitang 'ikaw' at 'ako'
Na kahit minsan ay hindi man naging 'tayo'
Mahal, mahahanap at mahahanap pa rin kita
Pagkat ang puso nating dalawa ay natutunan ng mangapa sa dilim









Thursday, June 22, 2017

Random Thoughts Entry 007

Ang Pinag-isa

Mahal, bumalik tayo sa umpisa
Magsimula tayo sa pinakasimula

Sa kung paano pinagtagpo
ang mga pusong pagal na animo'y
matagal ng naglalakbay sa kawalan

Sa kung paano pinag-isa ng dilim at pait
ang ating mga pusong matagal ng nakararamdam
Ng kung anong di maipaliwanag na pangungulila

Sa kung paano tayo pinag-isa
Ng paulit-ulit na agos ng kalungkutang
unti-unting nagdadala sa atin sa pusod
ng nakabibinging lalim ng karagatan

Sa kung paano tayo pinag-isa ng paniniwalang
ang uniberso ay hindi matatagpuan pagkatapos ng kalangitan
kundi ito ay nagkukubli sa akin, sa iyo at sa iba pang nilalang

Mahal, mulat ako sa mga matatalinhagang palaisipan
Pero sa lahat ng palaisipan, ang ating pagtatagpo ang 'di ko lubos na maintindihan

Tandaan mo, naghihintay lamang ang balikat ko
sa mga luhang matagal na panahon mong inipon sa loob mo
dahil lang sa walang nakaiintindi sa iyo

Tandaan mo, nag-aabang lang ako at handang makinig
sa walang katapusang kwento mo tungkol sa walang katapusang
paghihirap mo

Tandaan mo, na parehas nating natutunang sumugal,
manahan at  mangapa sa dilim

Tandaan mo, na handa akong gawing liwanag ang mga
sugat ko para maging gabay mo

Mahal sa oras na sabihan mo muli ako
Na kailangan mo ng yakap ko
Sa tuwing binabalot ka ng lamig

Sa oras na sabihan mo muli ako
Na kailangan mo ng bisig na mag-aalo sayo
Sa tuwing nakararamdaman ka ng kawalan ng pag-asa

Sa oras na sabihan mo muli ako
na nais mong marining ang tinig ko
gaano man kapangit ang tunog nito

Mahal sa pagkakataong ito, hindi na ako tatanggi
Hindi na ako mag aatubili
Pangako, mananatili ako sa iyong tabi

Sa pagkakataong ito, sabay nating pagmasdan ang kalangitan,
ang mga nagkikinangang bituin kasabay ng malakas na ihip ng hangin

Sa pagkakataong ito, sabay nating pagmasdan at pakinggan
ang bawat pagpatak ng ulan sa malamig na gabi

Pero mahal aaminin ko, natatakot ako sumugal
Kahit na sa simula't sapul ay walang maisusugal
Ni hindi mo nga alam na ikaw sa akin ay mahalaga
Ni hindi mo nga alam na ang pag-aalo sa iyo ay nakasananyan ko na

Naiintindihan kita
Nababasa na kita

Alam ko na ang pinakatatago mong mga lihim
Alam ko na ang pinakamalalim mong mga sugat

Mahal, alam ko na, pero di pa rin kita kilala.

Sunday, May 21, 2017

Random Thoughts Entry 006





ANG PAGHAHANAP

Hinahanap ko ang ang tamang katawagan
Kung paano nagsimula, bakit at saan?
Tinanong ko na pati ang buwan sa madilim na kalangitan
Maging ang mga agos sa gitna ng malawak na karagatan

Para bang walang patutunguhan
Para bang walang kasiguraduhan
Na kahit saanman ako dalhin ng aking mga paa
Hindi ko alam kung bakit ka naging mahalaga

Sa panahong sabay tayong lumusong sa dagat ng emosyon
Mabilis kang kumawala habang naiwan akong di makaahon
Naiwan ako kasama ng iyong mga mapagkalingang salita
Mga salitang minsan ay hindi ko narinig mula sa iba

Tinuruan mo ako na ang sarili'y bigyang halaga
Ngunit pati ang halaga mo ay natututunan ko na 
Patawad kung nanahan na ako sa iyong mga salita
Patawad kung nagpaiwan ako sa dagat mag-isa

Muli kang lumusong sa dagat ngunit iba ang iyong kasama
Sa pagkakataong ito hindi ka na kumawala sa piling niya
At sa tuwing akmang nagpupumilit siyang makaahon
Hinahanap mo ang pangalan kong sa iyo'y handang lumingon

At pangako ko na hindi ako mapapagod lumingon
Kahit na magpalipat-lipat ka man ng direksiyon 
Di ako susuko, hahanap-hanapin pa rin kita 
Mahanap ko lang ang sagot kung bakit sakin ay naging mahalaga ka

Before Finals

Hi! I know, it's been a really long timeeeee since I have posted on this blog. Why do I always have the same intro though?  Anyway, I ju...