Sa unang pagkakataon, tinitigan ko ang mukha ko sa salamin. Pinagmasdan ko lahat hanggang sa aking dibdib. Hubad. Walang kahit anong kolorete. Bakas sa mata ang pagod. Hindi ko matukoy kung may nagtatago bang lungkot sa likod ng malamlam na mga mata. Ang sigurado lang ay ang pagkakulay tsokolate nito.
Maputi pala ako. Ngayon ko lang napagtanto. Kilay na wari ko'y medyo makapal. Medyo sabog ngunit may korte naman. Noo. Ilong. Pisngi. Labi. Ngipin. Isa-isa kong pinagmasdan. Hanggang sa nakita ko ang mga tigyawat ko. Ang mga pekas at ilan pang mga katangiang hindi perpekto.
Maganda pala ako sa malapitan pero sa malayo, hindi. Mas nakilala ko kung sino ako. Mas nakita ko kung anong bumubuo sa akin, sa panlabas na aspeto. Sa hugis, sa porma, sa histura. Maganda ako.
No comments:
Post a Comment